ID, INIWAN PARA SA GAMOT: Umani ng papuri at milyun-milyong reaksyon online ang ibinahaging video ni Jim Soriano o mas kilala bilang si jimjourneyy sa TikTok.
Matapos niyang tulungan ang isang matandang lalaki na nakiusap na makakuha muna ng gamot kapalit ng pag-iwan ng kanyang ID.
Sa video, makikita ang pagpasok ng isang senior citizen na kalaunan ay nakilalang si Moises Labrador, residente ng Imus, Cavite.
Ayon kay Jim, inakala niya noong una isa lamang itong karaniwang customer, ngunit habang inihahanda ang gamot ay nakiusap ito.
Kagagaling lang umano sa ospital ng kanyang misis at nakiusap siya na iwan muna ang kanyang ID kapalit ng gamot.
Dahil sa awa at pag-unawa sa sitwasyon, agad pumayag si Jim, bago tuluyang umalis, nakangiting nagpasalamat at nagpaalam si Tatay Moises.
Samantala, mabilis kumalat ang video sa social media at umani ng napakaraming komento sa mga netizen na nagpahayag ng kahandaang tumulong.
Ilan sa mga komento ang nagsabing handa silang sagutin ang gamot ni Tatay Moises, magbigay ng supply ng maintenance medicine.
May ilan ding nagtanong kung paano makokontak ang matanda upang direktang makapag-abot ng suporta at magpadala pa ng karagdagang tulong.
Inipon ni Jim ang mga ipinadalang donasyon at sa sumunod na mga araw, hindi agad nakabalik ang matanda.
Kaya naman, ayon kay Jim, pinahanap niya ito sa ilang mga customer dahil inisip niyang maaaring wala pa itong pambayad.
Noong Pebrero 16, 2026, muling bumalik sa JCL Pharma si Tatay Moises kasama ang kanyang misis.
Personal na iniabot ni Jim ang mga antibiotic, vitamins, groceries, at karagdagang pinansyal na tulong mula sa mga nagmalasakit na netizen.
Ayon kay Jim, hindi niya matiis ang ganitong sitwasyon, lalo na’t mahalagang agad na mainom at makumpleto ang antibiotic.
Aniya, inisip na lang niya na ang Diyos na ang bahala sa kanya.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 13.8 million views, 1.4 million reactions, mahigit 70,000 shares, at 12,000 comments ang unang video.
Habang pumalo naman sa 2.5 million views at mahigit 300, 0000 reaction, ang ikalawang bahagi nito sa TikTok.

