Umarangkada ang kampanya laban sa illegal cigarettes sa Central Luzon sa pamumuno ni Brig. Gen. Jess Mendez. Siya ang bagong Police Regional Office 3 Director.
ILLEGAL CIGARETTES CAMPAIGN PINAIGTING SA ILALIM NG BAGONG PRO3 DIRECTOR
Sa pag-upo niya ay nagbabala siya sa mga tiwaling pulis na sangkot sa illegal manufacture at cigarette smuggling at tiniyak na walang sasantuhin sa operasyon.
Katuwang niya si PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. sa mas pinaigting na kampanya laban sa pagawaan at pagkalat ng ismagel na sigarilyo.
Marami sa mga ilegal na pabrika ng sigarilyo ang nadiskubre sa Pampanga na saklaw ng PRO3.
DALAWANG KONGRESISTA PERSONS OF INTEREST SA PAMPANGA RAIDS
Matatandaang, dalawang hindi pinangalanang kongresista mula sa Central Luzon ang tinuturing na persons of interest kaugnay ng mga sinalakay na pabrika sa Pampanga.
Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, nakumpiska sa Mexico at San Fernando ang humigit-kumulang ₱400 milyong halaga ng pekeng sigarilyo.
Ang mga nasabing planta ay kumikita umano ng hanggang ₱450 milyon kada araw.
Kaya ptuloy ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang mga high-profile mastermind sa likod ng malawakang ilegal na operasyon.
Bago italaga sa PRO3, nagsilbi si Mendez bilang acting provincial director ng Nueva Ecija police kung saan naging matagumpay ang anti-criminality campaign.
Bukod sa sa illegal cigarettes, tututukan din ng PRO 3 ang loose firearms, illegal gambling at illegal drugs sa rehiyon.
MGA DRUG AT COUNTERFEIT OPERATIONS SA NUEVA ECIJA, SUNOD-SUNOD
Nitong February 20, 2026, siyam na suspek ang naaresto ng kapulisan sa magkakahiwalay na anti-illegal drug buy-bust operations Nueva Ecija. Ito ay sa mga bayan ng Talavera, Guimba, Santa Rosa at Carranglan.
Nasamsam sa mga operasyong ito ang 8.5 gramo ng shabu at 24 gramo ng marijuana na may kabuuang Dangerous Drugs Board (DDB) value na Php 60,680.00.
Sa hiwalay na entrapment operation sa Palayan City, naaresto ang isang 23-anyos na suspek sa pagbebenta ng counterfeit cigarettes.
Nakumpiska mula sa kanya ang 45 reams ng pekeng red Marlboro, 50 reams ng pekeng Gold Bind na nagkakahalaga ng Php 25,000.00, at isang sachet ng shabu na 0.03 gramo na may halagang Php 204.00.

