Pumayag na ang Woggle Corporation na i-pull out ang kanilang mga kagamitan mula sa bayan ng Dupax del Norte, Nueva Viscaya.
Ito ay matapos ang pagtutol ng mga residente sa kanilang exploration activities.
Sa naging hearing ng Senate Committee on Local Government noong March 3, nangako rin ang kumpanya na magsasagawa sila ng rehabilitation sa lugar.
Ayon kay Committee Chairperson Senator Jinggoy Estrada, mahalaga na maalis ang mga mining equipments sa lugar.
Ito’y upang mabawasan ang pangamba ng mga residente na itutuloy pa rin ng kumpanya ang kanilang exploration activities.
Sumang-ayon naman si Woggle President Tommy Alfonso sa hiling ng senador.
Ayon sa kanya, madali lang ang pag-pull out ng gamit.
Matatagalan lang aniya ang rehabilitation o pagtatanim muli ng mga halaman sa apektadong lugar.
Matatandaan na noong February 5, 2026, suspendido na ang permit ng Woggle Corporation sa lugar.
Ayon kay Estrada, ang Mines and Geosciences Bureau na ang magpapasya kung tuluyan nang kakanselahin ang permit ng kumpanya.
Pinayagan naman ang kumpanya na dalhin ang kanilang mga ore samples para sa pag-aaral ng DENR.
Gayunpaman, babantayan ito nang maigi ng mga anti-mining advocates upang masigurong walang ibang ilalabas na yaman mula sa bundok.
Nagpaalala rin si Estrada sa mga lokal na opisyal na agad i-report kapag muling nagpasok ng kagamitan ang kumpanya sa lugar.

