CAPACITY DEVELOPMENT TRAINING: Mas pinatibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang pagtataguyod sa pagkakapantay-pantay at karapatan ng mga kawani sa pamamagitan ng dalawang araw na Gender and Development (GAD) Capacity Development Training.
Layunin ng seminar na ito na gawing “gender responsive” ang bawat opisina ng kapitolyo sa pamamagitan ng tamang pag-aanalisa sa mga gender issues.
Ayon kay GAD Focal Person Yvan Soriano, mahalaga ang gender mainstreaming o paglalagay ng gender perspective sa bawat opisina, upang magkaroon ng sapat na plano at aksyon ang mga kawani sa anumang usaping may kinalaman sa kasarian.
Dagdag pa niya, hindi lamang sapat na alam ng mga kawani ang tungkol sa gender issues.
Dapat aniyang alam din ng bawat isa ang kahalagahan ng pagiging “gender responsive.”
Binigyang-diin din niya na ang GAD Office ng Nueva Ecija ay laging handang tumugon sa mga isyu gaya ng sexual harassment at pagpapatupad ng Safe Spaces Act.
Ipinagmamalaki rin ni Soriano na ang Nueva Ecija ang isa sa mga naunang probinsya sa Region III na may sariling GAD Office.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga kawani at participants kina Governor Oyie Umali at Vice Governor Lemon Umali sa patuloy na pagsuporta at paglalaan ng budget sa mga ganitong programa.
Maging si Ning Legaspi mula sa Persons with Disability Affairs Office ay nagpahayag ng kagalakan sa pantay na pagtingin sa mga PWDs sa loob ng kapitolyo.

