Lantern Festival sa Pampanga ang naging daan upang makuha ng Pilipinas ang bagong Guinness World Record (GWR) nitong nakaraang Linggo.
Ito’y matapos umabot sa 11,016 na water lanterns ang pinailaw at pinalutang sa isang 12-hectare human-made lake na The Lakeshore sa Mexico, Pampanga.
Dahil sa dami ng mga lumahok, opisyal na nakuha ng organizer na Vibe Events Management ang titulong “The Largest Display of Water Lanterns.”
Nalampasan ng naturang event ang target na 10,000 lanterns ayon sa adjudicator ng GWR na si Emi Saito.
Ang Lantern Festival ang naging tema ng Lumina Water Lantern and Music Festival na inorganisa ng Vibe Events Management at The Lakeshore.
Gawa sa papel at light wooden floaters ang bawat lantern na maingat na pinalutang sa centerpiece ng Lakeshore recreational community.
Bukod sa dami, kinailangang manatiling nakailaw ang mga LED lights nang mahigit limang minuto para sa opisyal na validation ng record.
Ang bagong titulong ito ay nagpapatatag sa status ng Pampanga bilang home of handcrafted lanterns at world-class lantern-making tradition.
Ayon sa mga local officials, ang karangalang ito ay magandang panimula para sa ika-118 Giant Lantern Festival sa Pampanga sa darating na Disyembre.

