Inihayag ni Senador Bam Aquino na ipagpapatuloy niya ang reporma sa edukasyon kasabay ng panawagan na ibalik ang tiwala ng publiko.
Ayon kay Aquino, susuportahan niya si Senadora Loren Legarda na ipinalit sa kaniya bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Ito ay para matiyak na magpapatuloy ang mga pangunahing programa sa ilalim ng 10-Year National Education Plan.
REPORMA SA EDUKASYON, KAYANG ITULOY SA PAGKAKAISA AT PAGSANTABI SA PULITIKA
Dahil sa sampung buwan niyang panunungkulan, napatunayan ni Sen. Aquino na kayang sugpuin ang krisis sa edukasyon. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at maagap na pagtugon sa mga isyu, nakapag-iwan siya ng tagumpay sa sektor ng edukasyon. Kaya hamon nya sa mga kapwa senador, isantabi na ang ingay sa pulitika at bumalik sa pagtatrabaho para sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, itinala ng Senado ang makasaysayang ₱1.34-trillion na pondo para sa edukasyon ngayong 2026. Ito ang pinakamalaking budget na inilaan para sa sektor.
Nakapaloob sa pondo ang ₱67 bilyon para sa pagpapatayo ng libu-libong silid-aralan, pagpapalawak ng National Feeding Programs, at dagdag suporta sa milyun-milyong estudyante sa kolehiyo.

