Babala! Sensitibong Balita: Ilegal na Droga
Nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na High-Value Individuals o HVI sa Cabanatuan City ang anti-illegal drug operation ng kapulisan.
Ayon sa PIO-NEPPO, isinagawa ang magkahiwalay na operasyon noong August 9 at madaling-araw ng August 10, 2026.
MAGKAHIWALAY NA ANTI-ILLEGAL DRUG OPERATION, ISINAGAWA SA CABANATUAN
Dakong 5:18 ng hapon isinagawa ang buy-bust operation ang Cabanatuan City Police Station sa Barangay Sumacab Norte.
Dito, naaresto ang isang 32-anyos na lalaki at isang 31-anyos na babae.
Habang, nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 58.86 gramo ng hinihinalang shabu.
Batay sa Dangerous Drugs Board o DDB value, tinatayang P400,248 ang halaga nito.
Kasunod nito, isinagawa naman ang isa pang operasyon sa Barangay Lagare dakong 4:08 ng madaling-araw.
Sa naturang operasyon, dalawang lalaking HVI, edad 26 at 25, ang naaresto.
Doon nasamsam ang humigit-kumulang 5,690 gramo ng hinihinalang tuyong marijuana leaves.
Nakumpiska rin ang 305 gramo ng hinihinalang marijuana o kush, kasama ang cannabis vape products.
Tinatayang P1,508,800 ang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga sa naturang operasyon.
Sa kabuuan, umabot sa P1,909,048 ang pinagsamang DDB value ng lahat ng nakumpiskang droga.
Kabilang dito ang hinihinalang shabu, marijuana, kush, at assorted cannabis vape products.
Matapos ang operasyon, dinala sa Cabanatuan City ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya.
Samantala, inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

