Dahon ng mangga ang ginawang kakaibang gown ni Romblon-based fashion designer Madam Pilikitok.
Ngunit higit sa kanyang malikhaing disenyo, suporta ng kanyang mga magulang ang umantig sa maraming netizen.
Sa Facebook Reel na ibinahagi noong Agosto 9, makikitang tinutulungan siya ng kanyang mga magulang sa paghahanda sa kanyang gown bago ang kanyang isinagawang video shoot.
DAHON NG MANGGA, NAGING GOWN SA TULONG NG PAMILYA
Makikita sa video ang kanyang mga magulang habang isinusuot niya ang kakaibang gown. Inayos din nila ang butterfly sleeves at headdress bago siya humarap sa camera.
Ayon sa kanyang caption, itinuturing niyang malaking biyaya ang pagtanggap at suporta ng kanyang mga magulang sa kanya.
Nagsimula ang proseso sa paggawa ng gown sa pangangalap at pagpitas ng mga dahon ng mangga.
Pagkatapos, ipinakita niya sa kanyang mga magulang ang mga fashion sketch. Inayos at pinaghiwa-hiwalay naman ang mga dahon para magamit sa disenyo.
MALIKHAING DISENYO, MATAGAL NANG TATAK NI MADAM PILIKITOK
Noong Agosto 10, ipinakita ni Madam Pilikitok ang kanyang natapos na obra. Nag-pose siya sa gitna ng mga bukirin habang suot ang naturang gown.
Hindi na rin bago kay Madam Pilikitok ang paggamit ng mga upcycled at likas na materyales. Taong 2021 nang unang mapansin ang kanyang ball gown na gawa sa dahon ng saging.
Mula noon, pinalawak niya ang kanyang mga disenyo gamit ang iba’t ibang materyales, kabilang ang rice sacks, palm leaves, corn husks at iba pang tuyong halaman.
Samantala, sumailalim din si Madam Pilikitok sa design course ng TESDA, nakakuha rin siya ng silver medal sa isang design and dressmaking contest na inorganisa nito.
SUPORTA NG MAGULANG, NAGPAANTIG SA PUSO NG MGA NETIZEN
Samantala, umabot na sa mahigit 12 milyong views, higit 400,000 reactions, 5,000 shares at mahigit 9,000 comments ang video ni Madam Pilikitok.
Marami sa mga netizen ang humanga sa kanyang talento at malikhaing disenyo, maging sa suportang ipinakita ng kanyang mga magulang.
May ilang netizen ang nagsabing isang malaking biyaya ang pagkakaroon ng mga magulang na buong pusong tumatanggap.

