Pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang mga parusa laban sa bullying, karahasan, pagbabanta at iba pang seryosong paglabag sa paaralan.

Nakapaloob ito sa DepEd Order No. 006, s. 2026 o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment, na naglilinaw sa learner protection.

Para sa minor offenses, maaaring ipatupad ang written reprimand, abiso sa magulang at guidance counseling bilang bahagi ng proseso.

Para sa serious offenses gaya ng paulit-ulit na bullying at online harassment, maaaring umabot sa limang araw ang suspension at referral sa DSWD.

Kapag naulit ang serious offense, maaaring ipatupad ang non-readmission sa ikalawang paglabag at exclusion sa ikatlo.

Mas mabigat naman ang parusa sa high-risk acts tulad ng matinding pananakit, pagdadala ng armas, bomb threats at mapanganib na hoaxes.

Sa mga ganitong kaso, maaaring ipatupad ang non-readmission sa unang paglabag, exclusion sa susunod at referral sa mga awtoridad alinsunod sa batas.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bibigyan ng pagkakataong magbago ang mga lumalabag, ngunit hindi isasakripisyo ang kaligtasan ng nakararami.

Maaari ring magpatupad ang school head ng hanggang 30 araw na preventive suspension habang iniimbestigahan ang learner kung may patuloy na panganib.

Inaatasan ang Child Protection Committee na imbestigahan ang insidente, protektahan ang biktima at magbigay ng mental health at psychosocial support.

Ang non-readmission ay nangangahulugang hindi na maaaring mag-enroll muli sa parehong paaralan sa susunod na school year, habang ang exclusion ay agarang pagtanggal sa active rolls.

Kailangang matiyak pa rin ang pagpapatuloy ng pag-aaral sa pamamagitan ng angkop na alternative educational interventions. Saklaw ng polisiya ang mga pampubliko at pribadong elementarya at sekondaryang paaralan.