Dogie ang pangalan ng stray dog na viral online matapos ibahagi ni Jay-ar Moldez Daung ang kuwento tungkol dito.
Palagi umano itong nag-aabang sa puwesto ng isang barbeque stall at kilala rin sa pagiging tahimik, mabait at marunong maghintay.
Sa video, makikitang tahimik si Dogie sa harap ng tindahan habang abala naman sa pagtitinda ang may-ari na si Ate Rowsbelle. Sa halip na itaboy, hinahayaan umano niya ang aso dahil natutuwa siya rito.
Ayon sa kuwento ni Daung, mabait si Dogie at hindi nanggugulo habang nagtitinda si Ate Rowsbelle. Kapag pumupunta ang aso sa puwesto, pinapakain niya ito.
Natutunan din umano ni Dogie kung paano humingi ng pagkain nang maayos. Kapag may customer na may malasakit, marahan itong humihingi at naghihintay.
Gayunman, may pagkakataong hindi ito napapansin o napapakain.
Ang simpleng tagpo ang nakaantig sa maraming netizen, dahil nakitaan ito ng pagiging matiisin habang naghihintay ng pagkain. Sa halip na mang-agaw o manggulo, nananatili lamang umano ito sa lugar. Umaasa ito sa kaunting kabutihan mula sa mga taong nakapaligid.
Gayunman, bukod sa pagpapakain kay Dogie, nais ding malaman ni Daung kung saan nagmula at kung may nagmamay-ari sa aso. Ayon sa kanya, nais sana niyang i-rescue si Dogie, pero mas makabubuti pa ring alamin muna kung may pamilyang naghahanap dito.
Nanawagan din si Daung sa publiko na magbigay ng impormasyon, partikular dito ang mga nakakakilala sa aso o nakaaalam kung sino ang owner nito.
May ilang nagsusulong na i-rescue ang aso kung wala nang nag-aalaga dito. May iba rin na naniniwalang maaari muna itong manatili sa lugar.
Sa ngayon, patuloy na umaani ng atensyon ang video sa Facebook at umabot na ito sa 1.8 milyon views, higit 99,000 reactions at mahigit 2,600 shares.
Libo-libo rin ang nag-iwan ng komento, at marami ang nagsabi na paalala ang kuwento ni Dogie tungkol sa halaga ng simpleng malasakit.
Habang hinahanap ang tunay na kuwento ni Dogie, umaasa ang mga netizen na matatagpuan din nito ang lugar at pamilyang magmamahal sa kanya.

