Nakatutok ngayon ang Commission on Audit (COA) sa Bulacan flood control projects kaugnay ng isinasagawang fraud audits o pagsusuri upang imbestigahan kung nagkaroon ng lokohan o pagnanakaw sa pondo ng bayan.

Sa ginanap na Senate hearing ng Committee on Finance, sinabi ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na itinuturing nilang ground zero ng mga umano’y anomalya sa proyekto ang lalawigan.

Lumabas kasi sa rekord na umabot sa P98 billion ang napuntang pondo sa lalawigan mula taong 2022 hanggang 2025.

Katumbas ito ng 18 percent ng kabuuang flood control budget ng Department of Public Works and Highways.

Dahil sa malaking porsyentong napunta sa lalawigan, agad itong isinailalim sa fraud audits.

Naging kontrobersyal ang imbestigasyon dahil pumasok ang bilyong pondo ngunit patuloy pa rin ang matinding pagbaha sa probinsya.

Sa kabila ng P98 billion budget, lumabas na nasa higit 100 na barangay pa rin sa Bulacan ang lumubog sa baha kamakailan.

Kabilang sa mga lubhang naapektuhan ang mga barangay at palayan sa mga bayan ng Calumpit at Hagonoy.

Samantala, naipasa na ng COA ang halos 50 fraud audit reports sa Office of the Ombudsman para sa imbestigasyon.

Ang mga reports na ito ay ginagamit ng Ombudsman para sa preliminary investigation laban sa mga sangkot.

Tiniyak din ng COA na tuloy-tuloy ang kanilang imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang sangkot sa maanomalyang flood control projects.