May P31.22 bilyong pondo para punan ang 64,530 awtorisadong teaching positions sa mga pampublikong paaralan sa 2027, ayon sa Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM).

Nilinaw ng dalawang ahensya na magpapatuloy ang hiring ng guro sa susunod na taon. Ang kawalan ng bagong batch ng Teacher I positions sa panukalang 2027 budget ay hindi nangangahulugang wala nang maaaring kuning bagong guro.

Sa 64,530 posisyon, 31,614 ang dati nang bakante at 32,916 ang mga bagong posisyong nilikha at inaprubahan ng DBM noong Mayo 2026. Maaari pa ring punan ang mga ito ng mga kwalipikadong aplikante.

Batay sa Personnel Audit ng DepEd noong Setyembre 4, 33,250 posisyon na ang napunan habang 25,019 ang hindi pa napupunan.

Hiwa­lay naman dito ang 14,274 karagdagang teaching positions na hiniling ng DepEd at tinatayang mangangailangan ng P4.29 bilyon.

Maaari pang suriin ang karagdagang posisyon kung may matukoy na pangangailangan matapos punan ang mga nauna nang awtorisadong posisyon. May P7.582 bilyon din para sa substitute teachers na maaaring pumalit sa mga gurong pansamantalang wala dahil sa leave, training o professional development.

Bukod sa hiring, may P12.09 bilyon para sa Expanded Career Progression System, na target ang 135,063 reclassifications para sa mga kwalipikadong guro at school heads. May P8.68 bilyon din para sa salary differentials ng 93,344 personnel na na-reclassify sa ilalim ng ECP.

May P10.364 bilyon para sa P10,000 Teaching Allowance at P38.782 bilyon para sa mga benepisyo sa ilalim ng Magna Carta for Public School Teachers. May nakalaan din para sa karagdagang non-teaching at school counseling positions.

Ang mga nabanggit na pondo ay bahagi ng panukalang FY 2027 National Expenditure Program (NEP). Kailangan pa itong dumaan sa proseso ng pagtalakay at pag-apruba bago maging pinal na pambansang badyet para sa 2027.