Inihain ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal ang petisyon laban sa Republic Act Number 12326, na nagpaliban sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections. Nai-raffle na ang petisyon sa Korte Suprema at mayroon nang nakatalagang ponente sa kaso.

Nauna nang humiling si Macalintal ng special raffle para agad maaksyunan ang kanyang kahilingan para sa Temporary Restraining Order o TRO at Status Quo Ante Order laban sa pagpapatupad ng batas.

Sa ilalim ng Republic Act Number 12326, ipinagpaliban ang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE. Ang halalan ay nakatakda sanang idaos ngayong Nobyembre. Itinakda naman ang susunod na halalan sa Nobyembre 2028.

Nilagdaan bilang batas ang Republic Act Number 12326 noong Setyembre 24, 2026. Itinakda rin ng batas sa limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan official.

Pinahintulutan din nitong manatili sa kanilang puwesto ang mga incumbent official nang karagdagang dalawang taon. Kinukuwestiyon ni Macalintal ang batas at ang pagpapaliban ng halalan.

Iginiit niya na naaapektuhan nito ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga opisyal. Hiniling niya na pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng batas habang dinidinig ang kanyang petisyon.

Ipinanawagan din niya na ipagpatuloy ng Commission on Elections o Comelec ang paghahanda para sa BSKE.

Samantala, sinabi ng MalacaƱang na handa itong sumagot sa petisyon. Nakikipag-ugnayan na ang Senado at Comelec sa Office of the Solicitor General.

Inatasan naman ng Korte Suprema ang mga respondent na magsumite ng komento sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng kautusan.

Nilinaw na ang pagkakaroon ng ponente ay hindi nangangahulugang may TRO o pinal na desisyon na ang Korte Suprema.

Sa ngayon, hinihintay pa ang kanilang komento at ang susunod na hakbang ng Korte Suprema.