Isa sa mga isinusulong ni Senador Bam Aquino ang MSME protection sa pagtalakay sa 2027 budget ng Department of Trade and Industry.
MSME PROTECTION, GIIT SA PANUKALANG 2027 BUDGET
Iginiit ni Aquino ang pagtatatag ng MSME Protection Desk sa DTI para tumulong sa maliliit na negosyong nahaharap sa red tape at pang-aabuso.
Hiniling din niya ang dagdag na suporta para sa mga malikhaing Pilipino at lokal na produkto.
Layunin nitong makatulong sa pagpapalawak ng presensya ng creative economy sa pandaigdigang merkado.
Bukod dito, iminungkahi ni Aquino na gawing boluntaryo o libre ang paid verification mark para sa maliliit na online sellers.
Ayon sa senador, maaaring maging dagdag na pasanin ang maraming proseso para sa maliliit na negosyo.
Samantala, nagbabala rin siya sa epekto ng Artificial Intelligence sa BPO at semiconductor industries.
Aniya, maaaring maapektuhan ang malaking bilang ng trabaho kapag lumiit ang mga industriyang ito.
Dahil dito, iginiit ni Aquino ang agarang reskilling at training programs para sa mga manggagawa.
Layunin nitong ihanda sila sa mga bagong trabahong lilitaw dahil sa paggamit ng Artificial Intelligence.
Sa huli, sinuportahan ni Aquino ang budget ng DTI at GCG (Governance Commission for GOCCs). Gayunman, sinabi niyang kailangan pa ng karagdagang pondo para sa MSMEs, creative economy at mga manggagawa.

