Inaresto ang walong kalalakihan sa Victoria, Tarlac dahil umano sa ilegal na pagbebenta ng petrolyo.

Unang nadakip ang dalawang lalaki sa Barangay Santa Catalina sa pagbebenta at pamamahagi ng fuel.

Ayon sa mga awtoridad, wala umano silang kinakailangang permit, clearance at certificate of compliance.

Samantala, nakita rin ng pulisya ang paglilipat ng petrolyo mula sa isang tanker patungo sa isa pa.

Umaabot sa 80,000 litro ang pinagsamang kapasidad ng dalawang tanker sa operasyon. Dahil dito, anim pang lalaki ang inaresto.

Kinumpiska at isinailalim sa kustodiya ang dalawang tanker at mga dispenser na ginamit umano sa operasyon. Nakuha rin ng mga awtoridad ang mga sales invoice at perang mula umano sa bentahan.

Paliwanag ng mga awtoridad, kailangan ng kaukulang dokumento para sa legal na pagbebenta ng produktong petrolyo.

Kabilang dito ang certificate of compliance at valid fuel supply agreement mula sa awtorisadong oil companies.

Nahaharap naman ang walong suspek sa mga kasong paglabag sa Batas Pambansa Bilang 33 at Presidential Decree No. 1865.