Apat na baril ang nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG sa magkapatid na inaresto sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Isinagawa ang operasyon ng CIDG Regional Field Unit 3 at Cabanatuan City Police Station noong Oktubre 6, bandang alas-singko ng hapon.
Ayon kay CIDG Regional Chief Colonel Grant Gollod, unang naaresto ang nakababatang kapatid habang umano’y nagbebenta ng M16 rifle, kalibreng .40 na pistola, at kalibreng .38 na revolver.
Samantala, inaresto rin ang nakatatandang kapatid dahil sa umano’y pag-iingat ng walang lisensiyang kalibreng .45 na pistola.
Bukod sa apat na baril, nakumpiska rin ang mga magazine at bala.
Ayon naman kay CIDG Director Major General Robert Morico II, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na baril.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o batas sa regulasyon ng mga baril at bala.

