Aba AI-yos!

Noon, sa fairytale lang tayo nakakakita ng “genie,” kikiskisin lang ang gintong lampara at agad ay lalabas na ito upang sundin ang tatlong kahilingan. Pero ngayon, sa pag-usbong ng teknolohiya, tila may sari-sarili na tayong genie sa ating mga gadget. Sa isang pindot, halos lahat ng gusto mo ay kayang ibigay. At hindi lang tatlong hiling, kundi unlimited o wantusawa! Ito ang tinatawag na Artificial Intelligence o AI.

Ang AI ay teknolohiyang gumagaya sa kakayanan ng tao na matuto, umunawa, lumutas ng problema, gumawa ng desisyon, maging malikhain, at kumilos nang sarili. Sa pamamagitan ng machine learning, pinapasukan ang computer ng maraming data upang matuto gumawa ng sariling desisyon o prediksyon ng di na kailangan pang gabayan. At nag-ugat pa ito sa tinatawag na deep learning at generative AI, kung saan kaya na rin matuto ng computer sa sariling pagkakamali at maitama ito ng hindi na kinakailangan pa ng reprogramming ng tao.

Dahil dito, mas tumalino na ang mga computer para sundin ang anumang iyong iutos, mapapasabi ka na lang ng “Aba AI-yos!”

Ayon sa survey ng Truelogic noong 2024, 48-49% ng mga Pilipino ang gumagamit ng AI-powered tools, kung saan pinakamataas ang genZ.

Pero hindi lahat ng maganda ay walang kapalit. Sa likod ng bawat utos o hiling sa AI, unti-unti nitong nauubos ang isa sa pinakamahalagang yaman sa mundo – ang tubig.

Ang AI ay pinapagana ng data centers na kumokonsumo ng malakas na kuryente. Kaya naman upang mapanatili ang kontroladong temperatura, ginagamitan ito ng chilled water na sisipsip ng init mula sa mga kagamitan.

Ayon sa mga researchers, ang bawat prompt ay kumokonsumo ng mga 16 ounces ng tubig. Sa pinakahuling report ng Microsoft noong 2022 ay gumamit ito ng halos 1.7 billion gallons ng tubig, habang ang Google ay umabot sa 5.56 billion gallons. At ngayong 2025, 90% ng mga kompanya ang inaasahang tatangkilik pa ng AI. Kung magpapatuloy ang hindi kontroladong paggamit ng tubig, maaaring lumala pa ang matinding krisis sa tubig na kinakaharap ngayon ng mundo.

Bilang solusyon, gumagawa na ang mga siyentipiko ng mas energy-efficient na AI, na may alternatibong cooling systems at mas magandang design ng hardware upang mabawasan ang paggamit ng tubig at maging sustainable sa katagalan.

Ngunit hindi dapat natin lahat iasa sa mga eksperto, tayo rin ay may papel na bawasan ang labis na pagdepende sa AI. Mag-isip bago humiling nang humiling sa ating modern genie at mag-ingat na baka maabuso ito. Dahil kung hindi, ang ating “Aba AI-yos!” ay baka mauwi sa “Nako, pat-AI.”