Itinuturing ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “act of war” sa oras na mayroong nasawi na Pilipino sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa mga pag-atake ng China.

Sinabi ito ng Pangulo sa question-and-answer portion ng 21st International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue, kung saan tinanong siya kung maikokonsidera na “crossing the red line” kapag ang isang mandaragat ay napatay dahil sa cannon attacks ng China Coast Guard sa pinag-aagawang teritoryo.

Ayon sa Pangulo, kapag sinadya ang pagpatay sa mga Philippine Coast Guard, militar o miyembro ng Navy ay magdudulot ito ng mataas na ‘level of response’ hindi lamang sa gobyerno ng Pilipinas kundi maging sa mga “treaty partners” ng bansa.

Nagpapasalamat aniya ang Pangulo na walang nasawing civilian sa kabila ng mga isinasagawang panghaharas ng China.

Aniya, kapag nangyari ang ganitong uri ng insidente ay agad umanong tutugon ang gobyerno.

Dagdag pa ng Pangulo, hindi gagamit ng water cannon ang pamahalaan ng Pilipinas bilang pang-depensa sa teritoryo ng bansa.