Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang 139 opisyal ng National Food Authority na dawit sa pagbebenta ng bagsak presyo ng bigas.

Anim na buwan na hindi gaganap sa anumang tungkulin sina NFA Administrator Roderico Bioco, Asst. Admin John Robert Hermano, iba pang regional managers at warehouse supervisors na sangkot sa kontrobersiya.

Dahil dito ay pansamatala munang pangangasiwaan ni Agriculture Secretary Francscio Tiu Laurel ang NFA habang umiiral ang naturang suspension order at gumugulong ang imbestigasyon kung saan kasama sa target na silipin ang mga transaksyon mula noong 2019.

Nag-ugat ang usapin sa umano’y pagbebenta ng libong tonelada ng NFA rice sa ilang negosyante na sobrang baba ng presyo na siyang ikinalugi ng gobyerno.

Giit din ng kalihim, hindi niya palalampasin ang anumang uri ng korapsyon sa ahensya. Layon nilang maisiwalat ang katotohanan at mapanagot ang mga nasa likod ng iregularidad.

Aniya, sa loob ng anim na buwan ay inaasahang makukumpleto ang pag-iimbestiga ng ahensiya.

Una nang sinabi ni Laurel na bumuo siya ng panel na nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagbebenta sa halagang P25 kada kilo habang nagkakahalaga ng P23 kada kilo ang pagkakabili ng pamahalaan sa palay at gumastos din sa warehousing at trucking.