AETA CANDIDATE SA MISS CAPAS 2025, IPINAGMAMALAKI ANG KULTURA AT PAGKATAO
Ipinresenta na ang opisyal na headshots ng mga kandidata para sa Miss Capas 2025, tampok ang ganda, kumpiyansa, at pagmamalaki ng bawat Capaseña.
Gaganapin ang Grand Coronation Night sa December 10, 2025, sa pangunguna ng Capas Tourism Office at Lokal na Pamahalaan ng Capas.
Isa sa pinag-uusapan ngayon ang kandidatang si Jhoneth Sanchez Canduli, kinatawan ng Barangay Maruglo, na isa ring Aeta.
Sa panayam ng Balitang Capas, ibinahagi ni Canduli ang kanyang mensahe ng pagtanggap sa sarili.
Ayon sa kanya, malaking karangalan na mapabilang sa dalawampong opisyal na kandidata.
Proud umano siyang maging Aeta, kulot man ang buhok o maitim ang balat, dahil ang mahalaga ay ang pagyakap sa sariling pagkatao.
Aniya pa, basta proud ka, tanggap mo ang sarili mo, mamahalin ka ng tao.
Umani ng suporta ang kanyang pahayag mula sa mga netizen, marami ang nagpahayag ng paghanga sa kanyang tapang at inspirasyon, lalo na sa patuloy na representasyon ng mga katutubo sa mga patimpalak sa bayan.

