AGRI-PUHUNAN AT PANTAWID PROGRAM, INILUNSAD SA BAYAN NG GUIMBA, NUEVA ECIJA

Inilunsad sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija noong Biyernes, September 13, 2024, sa mismong araw ng pagdiriwang ng ika-67 taong kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Agri-Puhunan at Pantawid Program na isang pinahusay na credit facility o pagpapautang para sa mga kooperatibang akreditado ng Department of Agriculture (DA) at mga magsasakang nakarehistro sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA) at nagbubungkal ng lupa sa mga irigadong lugar sa ilalim ng National Irrigators Association (NIA).

Ayon kay Pangulong Bongbong Marcos, sa pamamagitan ng programang ito ay wala ng magiging pangamba ang mga magsasaka sa mga manloloko at wala ng magiging alalahanin sa kakulangan ng pondo sa pagsasaka.

Ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng Intervention Monitoring Card (IMC) na magagamit nila sa pagbili ng mga farm inputs tulad ng binhi at abono sa mga accredited merchants na nagkakahalaga ng Php28,000, at makatatanggap din sila ng Php32,000 na cash na hahatiin sa Php8,000 na maaari nilang makuha tuwing unang linggo sa loob ng apat na buwan na mayroong 2% na interest kada taon.

Ibinalita rin ng pangulo na pagdating ng anihan ay bibilhin ng National Food Authority (NFA) ang 5 tonelada o may katumbas na isang daang sako ng palay ng mga magsasaka sa presyong hindi bababa sa Php21.00 kada kilo.

Sinabi ni Marcos na magsilbi sanang puhunan ang programang ito sa pagbuo ng pangarap ng mga magsasaka sapagkat hangad nila ang matulungan ang mga Pilipino sa pagtahak sa landas tungo sa isang maunlad na bukas.

Nagpamahagi rin sa araw na iyon ng mga makinaryang pambukid tulad ng 1 unit ng Rice Combined Harvester, apat na unit ng traktora, 2 yunit ng Riding-type Rice Transplanter, 3-unit ng Rice Precision Seeder, at 2-unit ng handtractor.

Kasabay ng pilot launching ng Agri-Puhunan at Pantawid Program sa Guimba ay nagtungo rin ang pangulo sa Palayan City upang magpamahagi naman ng Certificates of Condonation and Release of Mortgage (CoCRoM) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa anim na libong agrarian reform beneficiaries.

Kasabay din nito ang pagsasagawa ng pamahalaan ng sari-saring mga programa at serbisyo sa iba’t ibang panig ng bansa at kabilang nga sa kanyang inanusyo ang paglibre sa lahat ng mga bayarin ng lahat ng mga Pilipinong pasyente sa araw na iyon na nasa level 3 public hospitals tulad ng PJGMRMC sa Nueva Ecija.