Nag-viral sa mga Indian netizens ang video ng isang pulis sa Madhya Pradesh na mina-mouth-to-mouth ang isang ahas!

Naging laman ng mga balita sa India si constable Atul Sharma matapos maging viral sa mga social networking sites kung saan mapapanood siya na binibigyan ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) o mouth to mouth resuscitation ang isang ahas na nalason ng pesticide.

Naganap ang insidente noong Oktubre nang pumasok ang isang non-poisonous snake sa pipeline ng isang residential colony. Hindi mapaalis ng mga residente sa pipeline ang ahas kaya binuhusan nila ito ng pesticide. Nang hindi nila alam kung anong susunod na gagawin, humingi sila ng tulong sa mga pulis.

Ang rumespondeng pulis ay si Atul Sharma, isang self-proclaimed “snake rescuer”. Mapapanood sa viral video na pagkatapos makuha ni Sharma ang ahas sa pipeline, agad niya itong binigyan ng mouth-to-mouth resuscitation pagkatapos ay binuhusan niya ito ng malinis na tubig upang hugasan ang pesticide sa katawan nito. Nang magkaroon ng malay ang ahas, nagpalakpakan ang mga tao sa paligid.

Ayon kay Sharma, naka­pagligtas na siya ng 500 ahas sa nakaraang l5 taon bilang “snake rescuer”. Natutunan niya ang pagligtas sa mga ahas dahil sa kakapanood niya ng mga animal documentaries sa Discovery Channel.

May ilang mga beterinaryo sa India ang bumatikos sa video at nagsabing hindi kayang makapag-revive ng naghihi­ngalong ahas ang pagbibigay ng mouth-to-mouth resuscitation. Maaaring nagkataon na nagkaroon lang anila talaga ng malay ang ahas.

Sa website na Everything Reptilion ay binanggit na ang mga ahas ay hindi mabubuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng CPR kung hindi sila humihinga.

Hindi tulad ng mga mammal, ang mga ahas ay walang mga baga na maaaring mapalaki gamit ang CPR. Sa halip, mayroon silang isang serye ng mga air sac na nagpapahintulot sa kanila na huminga. Ang mga air sac na ito ay matatagpuan sa kanilang bituka at umaasa sa mga kalamnan ng ahas upang ilipat ang hangin sa pamamagitan ng mga ito. Bilang resulta, hindi posible na gumamit ng CPR upang buhayin ang isang ahas.

Pero sa kabila nito, marami pa ring netizens ang humahanga kay Sharma at itinuturing siyang “hero” dahil sa matapang niyang pagligtas sa ahas.