AMBULANSIYA, HANDOG NG KAPITOLYO TUGON SA MGA EMERGENCY CASES NG BARANGAY ARIENDO

Isa sa pinakamalayong Barangay sa bayan ng Bongabon ang Ariendo na nasa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre.

Halos 30 kilometro ang layo nito sa Cabanatuan City na sentro ng mga pagamutan.

Kaya napakahirap sa mga taga Barangay Ariendo kapag may mga sakuna o aksidente lalo na kapag may manganganak dahil wala silang magamit na ambulansiya. Kalimitan nilang service ay ang tricycle para maihatid ang mga pasyente sa ospital o di kaya ay nanghihiram sila ng ambulansiya sa munisipyo.

Dahil dito ay gumawa ng kahilingan si Kapitan Sambrano at Sanguniang Barangay kay Governor Aurelio Matias Umali at sa Bise Gobernador Doc Anthony Matias Umali na kaagad namang tinugunan.

Malaking tulong para sa mga taga Brgy. Ariendo, Bongabon ang bagong ambulansiya na handog ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija para sa mabilis na pagtugon sa mga emergency cases, mga pangangailangang medikal at anumang sakuna lalo na kapag may manganganak.

Ang ambulansya ay mayroong kumpletong kagamitan gaya ng oxygen, pang BP at emergency kit upang maayos na matugunan ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Kaya naman nagpapasalamat ang Pamahalaang Barangay ng Ariendo dahil sa patuloy na suporta at malasakit sa kanila ng Kapitolyo para maisakatuparan ang ibang mga proyekto at mga kahilingan ng mga mamamayan sa barangay para sa kanilang kapakanan at kapakinabangan.