AMBULANSIYA NG BARANGAY, IPINAGKALOOB NG KAPITOLYO SA MANTILE, BONGABON

Walang pagsidlan nang kagalakan si Kapitana Jovelyn S. Balangue, ng Barangay Mantile Bongabon, Nueva Ecija makaraang tanggapin ang service vehicle mula sa pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Balangue, nagkaroon sila ng isang resolusyon at humiling ng barangay service na kaagad namang tinugunan ni Governor Aurelio “Oyie” M. Umali.

Malaking tulong aniya sa kanilang nasasakupan ang ipinagkaloob na service dahil hindi na nila kailangan pang umikot o manghiram ng magagamit na sasakyan kung saan-saan, sa oras na may nangangailan.

Hindi lamang umano ang kanilang mga kabarangay ang makikinabang dito kundi maging mga karatig barangay sa bayan ng Bongabon, Nueva Ecija.

Ang barangay service ay nagsisilbi ring ambulance kaya naman nahahatid at nasusundo aniya nila ang kanilang mga kabarangay na nagda-dialysis na may schedule dalawang beses sa isang linggo.

Bukod umano sa service vehicle, marami pang proyekto at suporta ang naipagkaloob sa kanila ng kapitolyo. Una na rito ani Kapitana ay napagawaan sila ng gym, nabiyayayaan ng mga semento para sa ipinagawang kalsada, at multi-purpose 2-story building na napapakinabangan ng mga mamamayan ng Mantile.