Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na bilisan ang pagpapatupad ng amnesty program para sa mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa naganap na press briefing sa Malacañang, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na nanggaling ang direkatiba kay Pangulong Marcos noong 5th National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Committee Meeting.
Samantala, ayon kay Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr., tinatayang nasa 40,00 ex-rebels na sumuko sa pamahalaan lamang ang nasasakupan ng Proclamation No. 404, at hindi kabilang dito ang mga natitirang miyembro ng communist group.
Paliwanag ni Galvez, palalawakin ang amnesty program at ilalabas ang panibagong proklamasyon sa oras na magkaroon na ng final peace agreements sa pagitan ng pamahalaan at komunistang grupo.
Dagdag pa niya, inabisuhan na ang 17 regional amnesty boards para mag-proseso ng mga aplikasyon.
Sa kasalukuyan, naitalang nasa 1,500 former CPP-NPA members na ang nagpahayag ng interes sa amnesty program, at layunin umano ng pamahalaan na maikasa ang naturang programa simula ngayong taon.

