ANAK NG LABANDERA AT MAGSASAKA, NAGTAPOS NG CUM LAUDE SA CENTRAL LUZON STATE UNIVERSITY
“Kung kulang ka sa pera, bawiin mo sa tiyaga, sipag at diskarte.” Ito ang paninindigang pinanghawakan ni Vince Domingo, isang anak ng labandera at magsasaka mula sa Barangay San Juan, San Jose City, Nueva Ecija, na nagtapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Technology in Livelihood Education sa Central Luzon State University.
Hindi naging madali ang daang tinahak ni Vince dahil lumaki siya sa isang pamilyang salat sa yaman, pangalawa sa anim na magkakapatid, at maaga siyang namulat sa responsibilidad.
Dahil sa hirap ng buhay, si Vince ang nagsilbing katuwang ng kanyang mga magulang sa pagtataguyod sa kanilang pamilya.
Upang makapagtapos, nagsumikap si Vince na pagsabayin ang pag-aaral at hanapbuhay, sa araw, isa siyang estudyante, sa pagsapit ng gabi, isa siyang raketera, tumatanggap ng trabaho bilang host sa mga kasalan at debut, tutor, venue decorator, at masahista.
Hindi rin naging madali ang kanyang personal na paglalakbay, lalo na sa pagtanggap ng kanyang ama sa kung sino siya, ngunit sa paglipas ng panahon, mas naging bukas at maayos ang kanilang relasyon.
Sa gitna ng lahat ng hamon at pagod, hindi kailanman nawala kay Vince ang kanyang pangarap, hindi siya natinag sa mga taong nagdududa sa kanyang kakayahan.
Sa ngayon, patuloy si Vince sa pagtuturo bilang private teacher, nananatiling aktibo bilang SK Chairperson, at naghahanda sa Licensure Examination for Teachers, pangarap niyang makapagturo sa pampublikong paaralan at magpatuloy ng mas mataas na edukasyon upang magsilbing inspirasyon sa iba.
Naniniwala din siya na ang simula ng tagumpay ay ang paniniwalang posible itong mangyari, lalo na kung mas malaki ang pangarap mo kesa sa takot na nararamdaman mo.

