Mukha ngang nanalaytay sa mga ugat ni Emmanuel Joseph ‘Eman Bacosa’ Pacquiao ang dugo ni eight-division world men’s pro boxing champion Manny ‘Pacman’ Pacquiao kasunod ng panibagong impresibong panalo noong nakaraang February 9, sa Blow-By-Blow sa Passi City Arena sa Iloilo.
Tinapos ng 20-anyos, 5-10 ang taas at tubong Tagum City si Jovenson Taguic sa pamamagitan ng paglamog sa mukha at katawan kaya itinigil ng referee ang bakbakan sa third ng nakatakdang fourth-round lightweight bout.
Umangat ang kartada ng sinasabing anak sa labas ni Pacquiao at residente rin ng Gen. Santos City na may dalawang panalo mula sa dalawang knockout, at isang draw.
Nalasap naman ni Taguic ang ikalawang pagkatalo, muli via KO, sa gayung daming pakikipag-upakan.
Bentahe ng batang Pacquiao ang kanyang pagkakaroon nang mas mahahabang braso at katangkaran kaya nahirapan ang mas maliit na si Taguic sa kanyang kaliwa’t kanang suntok.
Simula pa lang ng laban ay naging dominante na sa kanyang mga suntok si Bacosa, dahilan upang mahirapang makapasok at makaatake ang kalaban.
Si Bacosa, na sinasabing illegitimate na anak ni Pacquiao, ay pumasok sa mundo ng propesyunal na boksing noong Setyembre 23, 2023.
Una nang sumabak si Bacosa sa undercard ng Blow by Blow, na pino-promote mismo ni Pacquiao. Nauwi ang laban nito sa split draw laban kay Jommel Cudiamat.
Niyakap at hinalikan ni Bacosa ang ama at nagpasalamat sa pagsuporta sa kanyang laban na ginantihan din ng yakap ni Pacman nang manalo ito kay Noel Pangantao ng Fairtex Fight team sa first round TKO sa Oval Plaza Gym sa Gen. Santos City.
Ang anak umano ni Manny na si Eman ay nasa pangangalaga at paggabay nina coaches Buboy Fernandez at Dodie Boy Peñalosa na inaasahang malayo ang mararating tulad ng kanyang ama.

