‘ANAY’ SA PAMAHALAAN, NAIS LINISIN NI COL. ARIEL QUERUBIN
Nagnanais na linisin ni Medalya ng Kagitingan Awardee, Kandidato sa Senado, at Retiradong Sundalo na si Ariel Querubin mula sa Philippine Marines, ang mga ‘anay’ na sumisira aniya sa pamahalaan.
Ito ang kanyang inihayag sa harap ng mga media sa kanyang pagbisita sa Nueva Ecija upang makipag-usap sa mga grupo ng magsasaka sa probinsya.
Ayon kay Col. Querubin, marami sa mga kababayan natin ang nananatiling dumaranas ng kahirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at kakulangan sa sapat na suporta para sa mga magsasaka at mangingisda.
Malaking problema aniya ng mamamayan ang inflation o pagtaas ng mga bilihin kaya nakikita niyang paraan ang paggamit sa mga nakatiwangwang umanong mga kampo para sa intensive farming para maiwasan na rin ang importasyon ng mga pangunahing bilihin tulad ng karne ng baboy at manok.
Kung hindi rin aniya masosolusyunan ang iba’t ibang isyu sa bansa tulad ng korapsyon, non-delivery of basic services, social injustice, kahirapan, kawalan ng trabaho, police brutality at military abuses ay magpapatuloy ang insurgency o pag-aalsa.
Ang lahat aniya ay maisasaayos sa pamamagitan ng good governance o maayos na pamamahala na pangungunahan ng well discipline men in uniform.
Malaking salik aniya sa pagdami ng mga insurgency free na lugar ang tagumpay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na isang whole government approach.
Si Querubin ay kinikilala dahil sa kanyang kabayanihan sa Lanao Del Norte noong taong 2000, kung saan nakatanggap siya ng Medalya ng Kagitingan na pinakamataas na karangalan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas para sa pamumuno sa isang operasyong militar kasama ang 117 na Philippine Marines laban sa 300 na mandirigma ng MILF.
Nakata nggap din siya ng 49 na medalya at parangal sa kanyang naging laban mga armadong grupo sa Pilipinas kabilang ang Distinguished Conduct Star, 2 Distinguished Service Stars, 7 Gold Cross Medals, 2 Gawad sa Kaunlaran, 2 Bronze Cross Medals, 12 Military Merit Medals.
Upang magkaroon ng boses ang mga magsasaka, muling tatakbo si Querubin sa Senado sa 2025.

