BABALA! SENSITIBONG BALITA:
ANG ASWANG SA GUIMBA
Sa isang liblib at payapang lugar dito sa bayan Guimba ay may nagkukubling makatindig balahibong kwentong bihira lamang marinig ng ating mga tainga at mahirap paniwalaan ng ating isip. Ako si Rica Pie D. Alejo at sabay-sabay nating tuklasin ang nakakikilabot na kwentong aswang sa Barangay Sinulatan.
Sa ibinahagi ni Michael Charleston Chua o mas kilala bilang Xiao Chua, ipinahayag niyang bago pa man dumating ang mga Espanyol, mayroon ng naging kwentong bayan sa Capiz tungkol sa mga ito. Bukod sa Capiz ay pinaniniwalaan ding naghari ang mga aswang sa isla ng Panay na nakahango sa dalawang Dakilang Baha na sina Agurang, ang mabuting kaluluwa, at Aswang, ang masamang kaluluwa na nakapapatay ng isang tao. Dagdag pa rito, sa pinatungkulan din ng mga Español na ang mga aswang ay mga babaylan dahil nais nilang palitan ang kanilang pamumuno sa Pilipinas. Kung kaya’t gumawa na ng iba’t ibang kwento ang mga prayle katulad ni Juan de Plasencia na nagsasabing ang mga aswang ay nakikitang lumilipad, pumapatay ng mga tao at kinakain ang kanilang mga laman.
At dito sa Barangay ng Sinulatan, buwan ng Pebrero, 2024 nang maging mainit na usap-usapan ang di umano’y mga aswang na sumasalakay at ang kanilang pangunahing puntirya ay ang mga alagang manok at bibe.
Batay sa ilang mga residente dito ay tanging ang puso at laman loob lamang ng kanilang alagang manok at bibe ang kinukuha. Malinis din ang ginagawang pagsalakay sa kanilang mga alaga ni kahit ang mga aso ay tila nagiging umid.
Mayroon ding mga naging haka-haka na ang mga aswang na ito ay nag-aanyong tao tuwing umaga at sila’y nagbabalat-kayo sa pagsapit ng gabi. At kung minsan ay namamataan sila ng ilang mga residente na nag-aanyong malaking aso na may pulang mga mata, isang pusa na pula rin ang mga mata at malaking ibon.
Dahil sa kaba at pangambang dulot ng misteryong ito, ang ilan sa mga residente ay hirap nang matulog sa gabi, samantalang ang ilan ay ginagawang sandata ang paglalagay ng bawang sa kani-kanilang mga bintana, pintuan ng kanilang bahay at kulungan, upang mapanatag ang kanilang loob at makatulog ng payapa.
Sa kabila ng takot at pangambang gumagambala sa kanilang puso’t isipan ang ilan sa mga residente dito ay pilit na pinabubulaanan ang mitolohiya tungkol sa mga aswang.
At batay sa naging pahayag ng mga ilang residenteng piniling hindi magpakuha ng anumang bidyo, ay maaaring ang may kagagawan nito ay hindi mga aswang kundi isang hayop lamang.
Ang kwento tungkol sa mga aswang ay hindi tiyak at sigurado at ito ay maituturing bilang isang malaking palaisipan sa ating mga Pilipino.

