ANG MISTERYO SA LIKOD NG SARADONG PINTO NI APO JOSE
Bukas ang pintuan ng simbahan sa pangkalahatan, ngunit sa puso ng San Jose City, Nueva Ecija, kung saan nakatirik ang Katedral ni San Jose, mayroong pintuan na hindi basta bastang binubuksan. Samahan nyo akong alamin ang misteryo sa likod ng saradong pinto ni Apo Jose.
Ito ang Porta Sancta o Holy Door na matatagpuan sa gilid ng katedral, kahilera ng mga bukas na pintuan ng simbahan.
Ayon sa mga sabi sabi, pag bukas ang pintong ito at dumaan ka dito, mawawala daw ang mga kasalanan mo.
Sabi naman ng iba, pwedeng ipasa ang nakuha mong pagpapatawad dito sa mga yumao na.
Saad ng isang deboto na si KC Bautista may himala daw ang Holy Door ng Katedral ni San Jose.
Sa personal na karanasan naman ni Celestino Pobre nakatulong daw sa kanilang pamilya ang Holy Door dahil biniyayaan sila ng maayos na kalusugan at maraming biyaya ng Panginoon.
Inilahad din ni Celestino Pobre na dati nang nabuksan at nagamit ng mga deboto ni San Jose ang pinto kung saan kadalasan sa mga ipinalangin dito ay natupad. Binahagi niya rin ang proseso bago dumaan dito.
Hindi naman mapigilan ni Carl Dela Cruz na makaramdam ng kagaanan ng loob tuwing nakikita niya ang Holy Door ng Katedral ng San Jose.
Base sa tradisyon ng Simbahang Katolika, ang sagradong pintuan ay matatagpuan lamang sa mga Papal major basilica sa Roma at binubuksan lamang sa taon ng Jubilee na itinalaga ng Santo Papa. Ito ay kadalasang sinasadya ng mga peregrino dahil sa kakayahan nitong magbawas ng parusa para sa mga kasalanan o magbigay ng plenary indulgence.
Ngunit noong 2015, isinaad ni Pope Francis na dapat magkaroon ng Holy Door ang mga lokal na simbahan sa Extraordinary Jubilee of Mercy, nang sa gayon ay hindi na kailangan pumunta ng mga tao sa Roma upang mabigyan ng plenary indulgence. Muling natunghayan ang pagbubukas ng unang Holy Door sa Roma noong December 25, 2024. Ang pagbubukas nito ay sumisimbolo sa simula ng panibagong Jubilee year na may temang Pilgrims of Hope. Ang Holy Doors sa Roma ay inaasahang magsasara muli sa January 6, 2026 bilang pagwawakas ng Jubilee year.
Samantala, hindi pa malinaw sa ngayon kung kailan bubuksang muli ang Holy Door sa Katedral ngunit marami na ang dumadayo sa San Jose City para lamang mag abang sa muling pagbubukas nito nang sa gayon ay makadaan sila, lalo na ngayong kwaresma.

