ANGELINE QUINTO, SINORPRESA ANG ISANG TRICYCLE DRIVER SA NUEVA ECIJA

Isang tricycle driver sa Nueva Ecija ang sinorpresa ng singer-actress na si Angeline Quinto, tampok sa kanyang vlog na may pamagat na “A Day in Nueva Ecija + Surprising a Tricycle Driver” na mapapanood sa kanyang YouTube channel na Love Angeline Quinto.

Sa naturang vlog, sinabi ni Angeline na nagtungo siya at ang kanyang team mula Maynila patungong Nueva Ecija para sa isang trabaho.

Matapos ang halos apat na oras na biyahe, dumaan pa sila sa isang tindahan upang kumain ng pancit canton bago tumuloy sa kanilang lakad.

Pagkatapos ng kanilang trabaho sa lalawigan, bago bumalik ng Maynila, napansin ni Angeline ang dami ng mga tricycle sa lugar.

Ayon sa kanya, bilang pasasalamat na kumita sila sa kanilang trabaho, naisipan nilang magbigay ng munting sorpresa sa isang tricycle driver.

Napagkasunduan ng grupo na ang unang tricycle driver na kanilang makita ay bibigyan nila ng regalo, ipinakita sa vlog kung paanong nag-ambagan ang team ni Angeline upang makalikom ng halaga para sa simpleng handog.

Ang napiling driver ay nakilala sa pangalang Mang Tane, na noo’y bagong labas pa lamang upang mamasada, kung saan pinara siya ng grupo, kinausap, at pagkatapos ay inabutan ng pera na panggasolina at pangkain.

Umantig sa puso ng maraming netizens ang ginawang ito ni Angeline at ng kanyang team, sa kasalukuyan, umani na ito ng mahigit 200,000 views sa Facebook at higit 100,000 views sa YouTube, kalakip ang mga papuri at pasasalamat mula sa mga manonood.