APAT NA TAON NG PAGPADYAK, TINAPOS SA KARANGALANG SUMMA CUM LAUDE NANG MAY GALAK
Sa bawat padyak ng kanyang bisikleta, hindi lang daan ang tinahak ni Patrick A. Zapues ng Balucuc, ng Apalit, Pampanga, kundi ang mahaba at mabatong landas patungo sa kanyang mga pangarap.
Araw-araw sa loob ng apat na taon, nilalakbay ni Patrick ang mahigit 34 kilometro papunta at pauwi mula sa kanilang bahay hanggang sa Don Honorio Ventura State University (DHVSU) Apalit Campus sa Sampaloc.
Hindi siya nagpadaig sa hirap ng buhay, sa halip na gumastos ng P200 na pamasahe, pinili niyang ipaayos ang lumang bisikleta gamit ang MJDT Educational Assistance, at doon nagsimula ang kanyang araw-araw na laban, umulan man o tirik ang araw.
May mga araw na sira ang bisikleta, gutom, o pagod, ngunit hindi kailanman sumuko si Patrick, sa halip, pinatunayan niyang ang determinasyon, pananampalataya, at sipag ay sapat para magtagumpay.
Ngayon, ang binatang minsang nagduda kung maaabot pa ang kolehiyo ay Summa Cum Laude na, matapos niyang makamit ang pinakamataas na karangalang akademiko sa kursong Bachelor of Elementary Education, Major in General Education.
Sa kanyang talumpati ay sinabi niyang, hindi hadlang ang estado sa buhay upang makamit ang tagumpay, siya ang patunay na kapag ika’y pursigido, ika’y makakarating sa paroroonan mo.
Ang dating batang humahabol sa oras habang pumapadyak papasok sa klase, ngayon ay hinahabol na ng mga papuri’t inspirasyon.

