APAT NA TOP TEAMS, NAGHARAP NA SA SEMI-FINALS NG BASKETBALL NG NECSL
Nagharap na sa semi-finals ng NECSL o Nueva Ecija Collegiate Sports League ang apat na koponan na kinabibilangan ng Wesleyan University of the Philippines o ‘Wesleyan Knights’, Nueva Ecija University of Science and Technology o ‘NEUST Phoenix’, Dr. Gloria D. Lacson Foundation Colleges o ‘Lacson Golden Lions,’ at College for Research and Technology o CRT Blue Fox.
Ang semis ay sinimulan noong November 26, 2024. Wagi sa unang laban ang koponan ng CRT Bluefox laban sa Lacson Golden Lions sa iskor na 103-85.
Habang hindi na pinaubra pa ng NEUST Phoenix ang WUP Knights sa muli nilang pagtatapat sa iskor na 72-44.
Nakatakdang magharap sa Finals ang koponan ng NEUST at CRT sa November 27 hanggang 29 para sa Best of 3 Game ng Men’s Basketball.
Sa pinakahuling update sa team standing; base sa mga nakaraang laban ay nanguna ang Wesleyan Knights na walang talo sa mga naganap na limang laro.
Kasunod nito ay ang Lacson Golden Lions na may apat na panalo at isang talo.
Tabla naman sa ikatlong pwesto ang CRT Blue Fox at NEUST Phoenix na kapwa may dalawang panalo at tatlong talo.
Habang panghuli naman sa talaan ang Manuel V. Gallego Foundation Colleges o ‘Ambassador Wildcat’ at Core Gateway College o ‘CGCI Eagles’ na parehong may isang panalo at apat na talo.
Ang NECSL ay isang proyekto ng Provincial Government of Nueva Ecija sa ilalim ng Sports and Manpower Development Services ng Governor’s Office, na naglalayong suportahan ang mga kabataang atleta at paigtingin ang kanilang husay pagdating sa palakasan.

