Apolaki Caldera, Muli Nga Bang Sasabog?
Nilinaw ng mga geologist na walang batayan ang mga kumakalat na post sa social media na nagsasabing muling sasabog ang Apolaki Caldera, isang napakalaking bulkan sa ilalim ng dagat na matatagpuan sa silangang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa mga eksperto, ang Apolaki Caldera ay bahagi ng isang matagal nang patay o “extinct” na bulkan, at wala itong kakayahang sumabog o magdulot ng panganib sa bansa.
Natuklasan ito noong 2019 ni marine geophysicist Jenny Anne Barretto at ng kanyang mga kasamahan habang ginagawa ang pagmamapa sa Benham Rise o Philippine Rise.
Nabuo umano ang kaldera matapos gumuho ang tuktok ng isang sinaunang bulkan milyon-milyong taon na ang nakalilipas.
Kumalat nitong Oktubre 11, 2025 sa Facebook ang mga AI-generated na larawan na may caption na “GOODBYE PHILIPPINES,” na nagsasabing maaaring sumabog ang naturang supervolcano sa pagitan ng 2027 at 2028.
Ngunit itinanggi ito ng mga siyentipiko at ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), na nagsabing wala sa listahan ng 24 aktibong bulkan sa bansa ang Apolaki Caldera.
Ang mga naturang post ay lumabas kasunod ng sunod-sunod na lindol sa bansa, na nagdulot ng takot sa publiko. Ngunit paalala ng mga eksperto, ang Pilipinas ay likas na nakapaloob sa Pacific Ring of Fire, kaya’t karaniwan lamang ang mga lindol at aktibidad ng bulkan sa rehiyon.
Nanawagan ang mga eksperto sa publiko na maging mapanuri at huwag agad maniwala sa mga impormasyong kumakalat online, lalo na kung ito ay nagdudulot ng hindi kinakailangang takot.

