ARAWANG ALLOWANCE NG AFP, GINAWANG P350

Itinaas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang subsistence allowance ng mga opisyal at enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines.

Sa ilalim ng Executive Order No. 84, ginawang P350 kada araw ang subsistence allowance ng mga military personnel mula sa dating P150 na magiging epektibo simula January 1, 2025.

Ito ay nakabase sa isinumiteng rekomendasyon ng Department of National Defense at Department of Budget and Management.

Nakasaad sa order na ang kasalukuyang AFP subsistence allowance na huling inadjust noong 2015 ay hindi na sapat para masuportahan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng aktibong sundalo.

Makikinabang sa dagdag allowance ang mga trainees at probationary 2nd lieutenants o ensigns na sumasailalim sa military training, Citizen Military Training cadets na sumasabak sa summer camp training and reserve officers, at enlisted reservists na nasa training and assembly o mobilization test, Citizen Armed Force Geographical Unit, at mga cadet.

Ang pondong gagamitin sa implementasyon ng dagdag allowance ay manggagaling sa budget ng AFP sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act at sa iba pang maaaring pagkukunan ng Department of Budget and Management.