ARMANDO’S RESORT: STOP OVER PARA SA MGA BIYAHERO, STAYCATION SA PAMILYA
Dito nga sa barangay Malineng, Cuyapo, Nueva Ecija matatagpuan ang isang resort na makikita sa gilid ng kalsada na talaga namang maaasahan sa pagpawi ng init hindi lamang nating mga Novo Ecijano pati na rin ng mga iba pang mga byahero. Para sa mga byahero na nanggagaling karaniwan sa Pangasinan at sa iba pang mga byahero mula sa iba’t ibang bayan, patok na patok ang resort na ito at swak na swak pantanggal ng ating mga pagod.
Sa halagang 160 pesos na entrance fee ay mararanasan mo na ang malaparaisong resort na ito sa probinsya. Mayroon nga itong dalawang naglalaking swimming pool at mga private villa na pwedeng pang-magkasintahan, pang-pamilya at pang-barkadahan. Mayroon na rin sa loob na coffee shop, resto bar, at restaurant na hindi lamang kaaya-aya dahil sigurado ring masasarap ang mga pagkain na inihahain nila, tulad nalang ng kanilang best seller na pancit bihon, sisig, at ang pinagmamalaki nilang crispy pata. Bukod pa rito, isa rin sa patok na patok na inihahain nila ay ang kanilang Armando’s Pizza kung saan ito ay iniluluto sa kung tawagin nila ay pugon at hindi tulad ng mga makabagong paraan ng pagluluto ng pizza na sa oven iniluluto.
Sa ganda ng resort na ito mayroon ding mga spot kung saan maaari kang magpakuha ng litrato at talaga namang instagramable at picture perfect.

