ARTISTAHING TINDERO NG PANCIT, VIRAL SA SOCIAL MEDIA

Pinipilihan ng mga parokyano ang murang pansit na nagkakahalaga ng Php25 na inilalako sa isang pwesto sa Divisoria, pero hindi lamang daw ang masarap na pansit ang dahilan kung bakit, kundi dahil sa artistahing dating ng tindero nito na si Keith Albert Acop na binansagang “Pancit Heartthrob”.

Marami man sa mga suki ni Keith ang nagpatunay na masarap talaga ang pansit nito ay marami ring nagsabi na ang dahilan kung bakit nila ito dinarayo ay upang masilayan ng personal ang gwapo nitong mukha.

Mula kasi ng itampok siya ng isang food vlogger ay mas dinumog na siya ng mga customer dahil sa kanyang angking kagwapuhan.

Madalas daw mapagkamalan ang bente anyos na binata, na anak siya ng banyaga dahil sa mestizo nitong balat, ngunit sinabi niyang pinoy ang kanyang mga magulang at certified lola’s boy.

Ayon sa mga ulat, maagang nagkahiwalay ang kanyang mga magulang kaya lumaki ito sa kanyang lola at maagang dumiskarte sa buhay na nagsimula bilang taga-serve ng ulam sa isang canteen at tumatao rin sa karinderya ng kanyang lola.

Nang matutunan nito ang recipe ng pansit ng kanyang lola ay nagtayo na si Keith ng sariling pwesto sa Divisoria kung saan dalawang kilo ng pansit bihon at tatlong kilo ng pnasit canton ang kanyang niluluto araw-araw.

Nagsimula ito sa Php3, 000 na puhunan galing sa kanyang ipon, ngunit dumanas din ng mga pagsubok nang makumpiska ang kanilang food cart at ilang buwang hindi nakapagtinda.

Ngunit sa tulong at motibasyon ng kasintahan nito ay unti-unting nakabangon si Keith na ngayon ay sikat na sa social media at dinudumog ng mga parokyano.