ASO, ‘TILA GINIGISING ANG FUR DAD NA YUMAO

Naantig ang puso ng mga netizen sa video ng asong si Miley na walang tigil sa pagtahol habang nakatuntong sa upuan sa tabi ng kabaong ng kanyang yumaong fur dad na si Crizaldy Danan sa Pampanga, na ‘tila ginigising ito mula sa pagkakahimlay.

Maririnig sa video na inupload ni Tyra Show, na mayroong nagsabing gisingin, tawagin at pabangunin ni Miley ang kanyang Daddy Popoy, na sinasagot naman ng tahol ng aso habang pasulyap-sulyap sa larawan ng kanyang fur dad.

Bago iyon ay napansin na raw nilang walang gana sa pagkain at tahimik lamang ang aso sa unang araw ng burol ni Crizaldy, kaya naisipan nilang ipatong sa upuan si Miley na tanaw ang litrato ng taong nagpalaki sa kanya.

Doon na nga nagsimulang tumahol ng tumahol ang aso na ‘tila kinakausap ito.

Natigil sa pagtahol si Miley nang buhatin siya at pasilipin sa loob ng kabaong kung saan mababakas sa mukha nito ang ‘tila labis na kalungkutan.

Naniniwala ang anak ng yumao na nararamdaman ng alagang aso ng kanilang ama ang pagkawala nito.

Sa pagkawala ni Crizaldy, ang mga naiwan na nito ang magpapatuloy sa pag-aalaga at pagkupkop kay Miley.