ASONG SI ‘POPOY’, ‘GCASH-IER’ NG ISANG RESTAURANT SA NUEVA ECIJA

Pumukaw sa atensyon ng mga netizen ang asong si ‘Popoy’, na tinalaga bilang ‘cashier’ ng isang restaurant sa Nueva Ecija.

Sa isang Facebook post ng Tikya Garden Bistro, pormal na ipinakilala si ‘Popoy’ bilang bagong empleyado nila na magsisilbing ‘Gcash-ier’ para sa mga transaksyon gamit ang Gcash.

May nakasabit na QR code sa leeg ni Popoy na ginagamit ng mga customer para sa kanilang mga bayad.

Ayon kay Jenny Madriaga Chu, may-ari ng Tikya Garden Bistro, natagpuan nila si Popoy noong Mayo 2024 sa harap ng kanilang restaurant at mula noon ay naging bahagi na siya ng kanilang pamilya.

Si Popoy ay may epilepsy at tumagal ng mahigit isang taon bago matutong umupo pagkatapos siyang iligtas.

Bagamat ilang araw pa lang siyang nagsisilbing “cashier,” matagal na siyang parte ng restaurant mula pa noong siya’y tuta.

Bagama’t mabait at “good boy” si Popoy, may mga pagkakataong nahihirapan daw silang tawagin siya para magtrabaho dahil madalas itong “on break” o natutulog, kaya naman humihingi ng paumanhin ang restaurant sa mga customer, dahil ‘baguhan lamang siya sa trabaho’.

Hindi pera ang tip na tinatanggap ni Popoy, kundi mga buto mula sa signature crispy pata ng restaurant, na siya raw ang paboritong ibigay sa kaniya bilang gantimpala.

Umani ng mahigit 100k reactions, higit 39k shares at 2k comments ang post ng Tikya Garden Bistro na matatagpuan sa Brgy. Eugenio, San Jose City.

Maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang pagkaaliw kay ‘Popoy’ at pumuri sa naturang kainan dahil sa pag-aalaga sa aso.

Ayon sa isang netizen, isang magandang estratehiya ito para sa marketing ng restaurant kaya mas susuportahan niya ito dahil sa hatid nitong goodvibes na nakakataba ng puso dahil sa pagmamahal sa hayop.