ATLETANG NOVO ECIJANO, TINALON ANG BAGONG RECORD SA LONG JUMP SA PALARONG PAMBANSA
Tinalon ng 12 taong gulang na Novo Ecijanong atleta na si Jyane Kirt Cantor ng Caanawan Elementary School ng San Jose City, Nueva Ecija ang bagong record sa long jump ng Palarong Pambansa na nagtala ng layong 6.14 meters sa elementary boys’ division.
Nilampasan ni Jyane ang dating record na 6.04 meters na nagawa ng 22 anyos na si Jeremie Tamles mula sa Davao Region noong 2002 Palarong Pambansa sa Naga.
Ayon sa mga coaches ni Jyane, nadiskubre nila ang potensyal nito nang makita nila ang interest nito sa panunuod ng mga palaro sa kanilang paaralan at mula sa pagiging triple jumper ay inilipat ito sa long jump.
Ginulat ni Jyane ang mga spectators sa naturang palaro at inabot ng tatlumpong minuto bago siya idineklara bilang bagong record holder.
Hindi rin naman makapaniwala si Jyane sa nakamit na tagumpay at sinabing maliban sa naging tagumpay ngayon ay hangad niyang mapabilang sa Philippine Team.
Wagi naman ng bronze medal sa 4 x 100 relay ang Grade 10 student na si Sophia Mae Dela Vega ng San Jose City National High School, na naengganyong pumasok sa larangan ng sports dahil sa mga kaibigan.
Masaya aniya siya sa kanyang naging panalo dahil nagbunga ang kanyang masidhing training, kaya mensahe niya sa iba pang atleta na manalo man o matalo ay huwag dapat titigil sa training bagkus ay paghusayin pa sa mga susunod upang makamit ang inaasam na panalo.
Tulad ng ibang atleta, dumaan ang dalawa sa napakaraming sakripisyo, balakid at hirap, bago nakamit ang ninanais na medalya, ngunit payo ng kanilang mga coaches na manatiling maging mapagkumbaba at maging inspirasyon ng kapwa nila kabataan at atleta.

