AUTISM CENTER SA BUONG BANSA, IMINUNGKAHI NI PAMPANGA 1ST DISTRICT REP. LAZATIN

Naghain si Pampanga First District Representative Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. ng House Bill No. 5125 na layong magtatag ng mga National at Provincial Centers for Autism sa buong bansa.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga itatayong autism centers ay magsisilbing lugar para sa libreng diagnosis, therapy, at rehabilitasyon ng mga indibidwal na may autism.

Magbibigay rin ito ng vocational training at oportunidad sa trabaho para sa mga may autism, pati na counseling at referral services para sa kanilang mga pamilya.

Kabilang din sa mandato ng mga provincial centers ang pagpapatupad ng ‘early detection’ at ‘intervention’ programs para sa mga batang may autism na edad limang taon pababa.

Ayon sa Facebook post ni Lazatin, mahalagang magkaroon ng ganitong mga lugar dahil marami pa ring Pilipino ang kulang sa kaalaman at suporta tungkol sa autism.

Batay sa datos ng Autism Society Philippines noong 2018, tinatayang may 1.2 million na Pilipino ang may autism.