AWARD NG NOVO ECIJANONG SINGER SA ITALY, ALAY SA KANYANG AMANG MAY CANCER
Wagi ng Silver Record ang kwarentay nueve anyos na Novo Ecijanong si Allan Ocampo mula sa Malayantoc, Sto. Domingo, Nueva Ecija sa isang prestihiyosong singing contest na San Remo New Talent sa Italy.
Ayon kay Allan na kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Milan, Italy, sa tatlong libong kalahok mula sa lahat ng rehiyon sa naturang bansa ay isa siya sa tatlumpo’t tatlong nakapag-uwi ng karangalan sa naturang patimpalak.
Nanalo ng 5000-euro na may katumbas na mahigit Php300,000 cash prize si Allan, with free vacation for 4 persons sa Europe.
Ito din aniya ang pangalawang pagkakataon niyang sumali sa singing contest bagaman hindi siya pinalad noong una ay labis ang kanyang katuwaan sa pagkakapanalo sa pagkakataong ito.
Ang isa sa kanyang nagsilbing inspirasyon ay ang kanyang amang may sakit na cancer dahil sa kanyang kagustuhan na mapasaya ito at maging proud sa kanya dahil sa maiuuwing karangalan hindi lang sa Nueva Ecija kundi maging sa Pilipinas.
Naging daan din ang kanyang pagkakapanalo upang magbukas ang iba pang oportunidad sa kanya sa Italy kung saan ilang imbitasyon na ang kanyang natatanggap upang magtanghal doon.
Sa kanyang pag-uwi dito sa Pilipinas ay isang magandang balita ang nais nitong iparating sana ng personal sa kanyang ama, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na siya nahintay nito dahil binawian na ito ng buhay, noong Lunes.
Sa kabila nito, mensahe ni Allan sa kapwa Novo Ecijano at kapwa Pilipino na sa pagkamit ng pangarap ay kailangan ng determinasyon at pagsisikap.

