BABALA! SENSITIBONG BALITA:
Nahaharap sa mga kasong Violations of Article 267 (Serious Illegal Detention), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children) ang isang AWOL o Absent Without Official Leave na pulis matapos nitong i-hostage ng kanyang anak, hipag, at biyanan.
Hindi pinangalanan ang dating pulis na may ranggong Patrolman na dating nakatalaga sa Malolos City Police Station (Bulacan Provincial Police Office).
Base sa report ng Nueva Ecija Police, bandang ala-una ng madaling-araw noong March 7, 2024 mabilis na rumesponde ang mga elemento ng Cabiao Police Station sa sumbong na may hostage-taking incident sa Barangay San Roque, Cabiao, Nueva Ecija.
Iwinawasiwas umano ng suspek ang kanyang baril habang karga ang kanyang anim na buwang gulang na anak na babae, at kasama bilang hostage ang kanyang singkwentay dos anyos na biyanang babae at labing isang-taong-gulang na hipag.
Gumanap bilang ground commander sa negotiating team si Cabiao Chief of Police Shariel Paulino, katuwang ang grupo ng SWAT at 1st Provincial Mobile Force Company.
Bandang alas kwatro singkwenta ng madaling araw nang sumuko umano ang suspek kaya ligtas na nakawala ang kanyang mga bihag.
Nakuha mula sa kanya ng mga awtoridad ang isang pistol Caliber 9mm Pietro Beretta, na pag-aari ng PNP, kasama ang sampong bala nito.

