“AYUDA O PA-RAFFLE?” E-AYUDA NI MAYOR, USAP-USAPAN

Naging usap-usapan sa social media ang programang “E-Ayuda” na inilunsad ni Calumpit, Bulacan Mayor Lem Faustino para sa mga residenteng apektado ng matinding pagbaha dulot ng habagat.

Ayon sa alkalde, layunin ng naturang E-Ayuda na agarang maipamahagi ang tulong-pinansyal sa mga pamilyang binaha sa pamamagitan ng GCash.

Upang makasali, kailangan lamang mag-post ng litrato kasama ang pamilya habang nasa loob ng binahang bahay, at ilagay ang buong pangalan, barangay, at e-wallet number sa comment section ng official post ni Mayor Faustino.

Ngunit matapos kumalat ang post online, inulan ito ng batikos.

Ayon sa ilang netizens, tila naging raffle ang pagtulong at naging challenge pa ito sa mga walang access sa internet, cellphone, o signal.

May ilan ding nagsabing mas mainam sana kung isinagawa ang pamamahagi ng ayuda ng personal.

Paliwanag naman ng alkalde, ang E-Ayuda ay isa lamang sa mga paraan ng lokal na pamahalaan upang maabot ang mga nangangailangan, at sinabi niyang nagsagawa rin sila ng house-to-house na pamamahagi ng tulong, bukod sa naturang social media-based na programa.

Dagdag pa ng mga konsehal, ang paghingi ng larawan ay para matukoy nila ang mga lugar at pamilyang tunay na apektado ng baha, lalo na’t limitado umano ang kanilang pondo.

Tiniyak naman ni Mayor Faustino na lahat ng mga sumunod sa mechanics ng post ay makatatanggap ng ayuda, at sinabi rin niyang patuloy ang kanilang mga hakbangin para sa long-term solution sa pagbaha sa kanilang bayan.