AYUDA PROGRAM NG GOBYERNO, PATOK SA MGA PINOY – SWS AT PULSE ASIA
Naniniwala ang malaking bilang ng mga Pilipino na kapaki-pakinabang sa mga mahihirap ang mga social welfare program o “ayuda” ng gobyerno, ayon sa resulta ng magkahiwalay na survey ng Social Weather Stations o SWS at Pulse Asia na isinagawa nitong Enero.
Sinabi ni Stratbase president Dindo Manhit, mahalagang ipagpatuloy ang mga programa sa ayuda kaya’t dapat maging transparent ang pamahalaan sa pagpapatupad nito para makitang napupunta ang tulong sa mga tunay na nangangailangan.
Kabilang sa mga program na nakapaloob sa survey na ipinagawa ng Stratbase Group ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps; Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD; Ayuda sa Kapos and Kita Program o AKAP; Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS; at Walang Gutom Program o WGP na dating Food Stamp Program.
Lumabas sa survey ng SWS, 90 percent ng mga Pinoy ang naniniwala na nakatutulong sa mga mahihirap ang 4Ps, 66 percent ang nagsabing “very helpful” ang programa at 24 percent naman ang nagsabing “somewhat helpful”.
Sa TUPAD, 88% ang naniniwala na nakakatulong ang programa, 80 percent sa AICS at parehong 81 percent ang nagsabing kapaki-pakinabang ang AKAP at WGP sa mga mahihirap.
Nasa 81% rin ang nagsasabing kapakipakinabang ang Walang Gutom Program na dating tinatawag na Food Stamp Program habang 80% naman ang nagsabing may pakinabang ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa survey ng SWS.
Samantala sa resulta ng survey ng Pulse Asia, 82 percent ang nagpahayag na nakakatulong ang 4Ps para sa pinansiyal na pangangailangan ng mga mahihirap gayundin ang TUPAD na nagbibigay ng kabuhayan at trabaho.
Habang sa AKAP, 81 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabing nakakatulong ito sa pinansiyal na katatagan ng mga nasa mababang antas ng Lipunan.
Ang mga nasabing ayuda ng gobyerno ay making tulong para matawid ng mga Pilipino ang araw-araw na pangangailangan para mabuhay dahil nagagamit nila ito sa negosyo at natutulak din ito sa pagsulong ng ekonomiya ayon kay Manhit.

