BABAE, PINAHIYA, PINABABA NG JEEP DAHIL UMANO SA PANGANGATAWAN NITO

Diskriminasyon sa jeep ang naranasan ng isang babae na kinilalang si Joysh Gutierrez nang pagsalitaan ng hindi maganda at pababain siya ng driver dahil umano sa pangangatawan nito, sa Parañaque City.

Sa post ni Joysh sa kanyang facebook account ay ikinuwento nito na alas otso ng gabi noong June 7, 2024 nang sumakay sila ng kaibigan sa jeep na kakaiba ang itsura dahil para aniya itong bus.

Tuwang-tuwa pa aniya sila dahil first time nilang makasakay sa ganitong uri ng jeep, ngunit ang saya ay napalitan ng sama ng loob nang bigla siyang pababain ng driver ng jeep.

Ayon daw sa tsuper, bawal umano ang mataba sa kanyang jeep dahil ayaw ng kanyang asawa dahil mapa-flatan daw sila ng gulong.

Sa una ay hindi pinansin ni Joysh ang may edad ng driver at asawa nito sa kanilang mga sinasabi, at ilan din sa mga pasahero ang ipinagtanggol siya mula sa tsuper at sinasabing bawal ang sinasabi at ginagawa nito sa babae.

Nang maisip ni Joysh na nababastos na at napapahiya na siya dahil sa walang tigil na pananalita ng mag-asawa ay ipinagtanggol din aniya niya ang kanyang sarili ngunit hindi pa rin natinag ang dalawa.

Doon na aniya siya nanlumo at naiyak dahil sa panliliit sa kanyang sarili.

Inireport na rin ni Joysh sa Parañaque Police ang nangyaring insidente.

Ayon naman sa LTFRB, bawal mamili ng pasahero ang mga driver’s ng mga pampublikong sasakyan na isa din umano sa polisiya upang magkaroon ng prangkisa.

Hindi rin naman umano basehan ang laki o timbang ng pasahero para singilin ito ng dobleng bayad.

Bukas naman ang LTFRB para sa ganitong klase ng reklamo sa mga tsuper.