Nakamit ni Executive Judge Cynthia Martinez Florendo ng Regional Trial Court (RTC) San Jose City, Nueva Ecija ang unang gantimpala sa “2025 HerStory: Gender Award of Distinction.”

Ang prestihiyosong parangal na ito ay nagbibigay-pugay sa mga babaeng hukom na napagtagumpayan ang iba’t ibang hamon sa kanilang personal at propesyonal na buhay.

Layunin nitong kilalanin ang kanilang katatagan at hikayatin ang iba, anuman ang kanilang kasarian, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga karanasan.

Lumaki sa hirap si Hukom Florendo at nagsimulang magtrabaho sa edad na siyam upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Sa kabila ng mga pagsubok, nakapagtapos siya ng kolehiyo dahil sa kanyang sipag at tiyaga.

Pinagsabay niya ang tatlong trabaho upang matustusan hindi lamang ang kanyang pag-aaral sa law school kundi pati na rin ang edukasyon ng kanyang mga kapatid.

Dahil sa kanyang dedikasyon, matagumpay siyang nakapagtapos ng abogasya at pumasa sa Bar Exam.

Nagsimula siyang maglingkod bilang Branch Clerk of Court noong 1996, naging Piskal sa Pangasinan noong 2002, at naitalaga bilang Punong Hukom ng Municipal Circuit Trial Court (MCTC) Tayug-San Nicolas, Pangasinan noong 2003 at noong 2007, naatasan siyang mamuno sa RTC, San Jose City, Nueva Ecija.

Sa kanyang karera bilang hukom, nakaranas siya ng diskriminasyon dahil hindi siya nagtapos sa isang “unibersidad sa Maynila.”

May ilang abogado mula sa kilalang paaralan sa Metro Manila ang minaliit siya, ngunit sa kabila nito, pinatunayan ni Florendo ang kanyang kakayahan sa pamamagitan ng kanyang matalinong mga desisyon.

Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa batas sa University of the Philippines Diliman, kasabay ng pagiging ina sa kanyang tatlong anak.

Bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa hudikatura at lipunan, kinilala siya bilang isa sa Sampung Natatanging Kababaihan ng San Jose City noong 2024 at ginawaran ng Lifetime Achievement Award sa larangan ng Forensic Science noong 2023.

Noong 2019, tinanggap niya ang Matalungaring Award, ang pinakamataas na parangal para sa isang BayambangueƱo na nagbigay ng mahalagang kontribusyon sa kanyang komunidad.

Tumanggap din siya ng Sertipiko ng Pagkilala mula sa Nueva Ecija Home for Girls bilang pagkilala sa kanyang suporta sa pangangalaga at pagtatanggol sa mga karapatan ng mga batang biktima ng pang-aabuso.