BAGONG 2-STOREY: Matagal nang problema ng Sapang Buho Elementary School ang kakulangan ng classrooms kaya napilitan itong gumamit ng covered court at mga tent bilang pansamantalang silid-aralan.
Mayroong 625 na mag-aaral at 19 classes ang paaralan, ngunit 12 classrooms lamang ang mayroon noon.
Ayon kay School Principal IV Raquel Datu, noon ay limang klase ang nasa tent na nakalagay sa covered court dahilan para maging mainit, maingay, at hindi maayos ang pag-aaral ng mga bata.
Dahil dito, agad humingi ng tulong ang paaralan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa ilalim ng pamumuno nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Lemon Umali.
Sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office, naitayo ang isang 2-storey building na may apat na classrooms, at agad itong ginamit ng paaralan matapos ang inauguration at turnover.
Ayon kay Principal Datu, malaking tulong ang bagong building dahil mas ligtas at maayos na ngayon ang pag-aaral ng mga estudyante, at mas naging epektibo umano ang pagtuturo ng mga guro.
Dagdag pa niya, sa kasaysayan ng Sapang Buho Elementary School, ngayon lang sila nagkaroon ng bagong gusali, at dalawang palapag pa ito.
Lubos naman ang pasasalamat ng paaralan at ng mga magulang sa Pamahalaang Panlalawigan na anila’y patunay ng malasakit sa edukasyon at sa kinabukasan ng mga mag-aaral.

