BAGONG AMBULANSIYA NG BRGY. MA. THERESA SA CABANATUAN, NAGAMIT KAAGAD SA PAGHAHATID NG PASYENTE SA PHILIPPINE HEART CENTER

Masaya’t nagpapasalamat ang Barangay ng Ma. Theresa sa lungsod ng Cabanatuan na sila ay napagkalooban ng isang bagong ambulansiya mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali.

Ayon kay Kagawad Juanito De Guzman, mas mabilis na nila matutugunan ang pangangailangang medikal at pangkalusugan ng kanyang mga kabarangay sa tulong ng bagong ambulansiya sa pangunguna nila ni Kapitan Manuel Del Rosario.

Mayroon na aniya silang magagamit, lalo na sa panahon ng mga kalamidad, paghahatid ng ayuda at paglikas sa mga apektado ng pagbaha at kapag may aksidente ay mabilis ang pag-responde sa kanilang mga mamamayan.

Para sa mga taga Brgy Ma.Theresa napakalaking tulong umano na mayroon silang ambulansiya lalo na kapag may aksidente sa kanilang lugar na kailangan madala sa mga pagamutan.

Halos kararating lamang ng bagong ambulansiya nang mayroong pasyente na kinailangang dalhin sa Philippine Heart Center sa Manila.

Nakakapaghatid na rin ng mga pasyente sa iba’t ibang ospital dito sa lungsod ng Cabanatuan, maging sa iba’t ibang panig ng lalawigan.

Ang naturang ambulansiya o patient transport vehicle ay ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa tatlumpo’t pitong barangay sa probinsya, isa nga rito ang Ma. Theresa.

Kaya nagpapasalamat ang mga residente ng Brgy. Ma. Theresa sa kapitolyo dahil tinugunan ang kanilang kahilingan na magkaroon ng ambulansiyang pambarangay.