BAGONG DIGITAL SEAL NG DTI, REQUIREMENT NA SA ONLINE SELLERS PARA TIYAKIN NA LEHITIMO ANG NEGOSYO

Simula ngayong taon, lahat ng online sellers ay obligado nang kumuha ng Philippine Trustmark digital badge, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI). Layunin nitong bawasan ang online scam, pagbebenta ng pekeng produkto, at mga mababang kalidad na items na matagal nang reklamo ng mga mamimili.

Sinabi ni DTI Secretary Cristina Roque na ang Trustmark ay hindi lamang simpleng logo kundi isang garantiya ng pagiging lehitimo ng negosyo.

Para kay Sheena Mae Malarulat, isang online seller na nagsimula pa noong 2013, malaking bagay ang Trustmark para maprotektahan ang parehong mamimili at negosyante.

Gayunman, umaasa si Malarulat na magiging malinaw ang paggamit ng anumang bayad na kaugnay ng badge.

Batay sa guidelines ng DTI, kailangan lamang ng online sellers na magparehistro online at magsumite ng requirements gaya ng DTI business name registration at BIR Certificate of Registration. Libre ang application sa unang taon para sa micro at small businesses, habang ₱1,130 naman ang bayad para sa iba.

Ang badge ay may unique QR code na maaaring i-scan ng mamimili para makumpirma kung lehitimo ang tindahan.

Ang Philippine Trustmark ay bahagi ng Internet Transactions Act of 2023 na layong gawing mas ligtas ang online shopping. Katulad ng approval ng Food and Drug Administration (FDA) para sa pagkain at gamot, ang Trustmark ay nagsisilbing simbolo ng kumpiyansa ng mamimili sa kanilang binibiling produkto online.

Itinakda ng DTI ang deadline ng pagpaparehistro sa Setyembre 30, 2025, ngunit maaari pa itong palawigin hanggang sa katapusan ng taon. Babala ng DTI, sino mang mahuling gumagamit ng pekeng trustmark o hindi susunod sa panuntunan ay maaaring masuspinde, matanggal sa online platform, o tuluyang mawalan ng lisensya.